Kung may isang alaala man ako na pinakanaaalala sa elementary days ko, iyon ay iyong panahon kung saan pinapunta ako ng moderator namin sa harapan ng klase, kasama ang dalawa ko pang kaklase, upang ipako sa krus. Hinde, loko lang. Pinapunta niya kami sa harap upang ipakain sa amin ang mga siling of-all-colors-and-sizes na pinadala niya rin mismo sa klase. Bawat isa sa amin pinadala niya ng isa, akala namin para sa isang Science project o gagawing rekado sa EPP (kung hindi mo alam yan, ibig sabihin niyan ay Edukasyong Pagtatanim at Pagluluto… na joke lang, pero pwede na rin naman talaga), iyon pala ay para ‘yun sa bibig ng mga maiingay sa klase. Hindi ko alam na isa pala ako sa masasampolan ni Ma’am. Bwiset.

Hindi naman talaga ako maingay nung elementary ako. Sa totoo nga niyan, teacher’s pet pa nga ako ng isa kong teacher e. Naaalala mo yung kaklase mong isa sa maliliit sa klase at hindi gaanong sumasali sa inyo ng mga kasama mo kapag naglalaro kayo ng sipa o teks pagkatapos ng klase? Ganoon ako. Puro lang kasi ako aral. Pero madali lang akong maimpluwensiyahan, basta subukan lang. Inosente kasi talaga ako nung bata, pero madaling makisama, magaling gumaya. Kaya nga siguro hindi ako nahirapan noong bata ako, hindi gaya ng iba na masyadong naapi dahil laging sinasabihan na “kulangutin” o “haba-baba” o kaya “amoy daga”. At dahil hindi ako ganoong kaaway ng mga guro ko, kadalasan ay saksi lang ako sa mga pagpaparusa nila sa mga estudyante nila. Saksi lang. Hindi biktima.

Dahil nga nasa public school lang ako noon, hindi ganoong kasensitibo ang mga guro sa pananakit sa mga estudyante nila. Sa mga mas mararahas na pagkakataon, kung babatukan (o “kokotongan”, mas tamang pakinggan) ka talaga, babatukan ka talaga. Madalas pa, kung minalas malas ka, may audience ka pa kapag pinarusahan ka. May libre nang insulto at panghabang-buhay na pang-aalaska pagkatapos.

Naaalala ko dati, ‘yung teacher namin sa EPP na tinatawag naming buffalo (kasi malaki ang butas ng ilong niya), binato ng blackboard eraser ‘yung ka-table ko. Saktong sapul siya sa mukha. Libreng foundation. ‘Yung teacher ko na nagpakain sa’kin ng sili, binugbog niya ‘yung kaklase kong tumingin daw sa kanya ng masama. Paano niya binugbog? Alam mo ‘yung “super” ni Wolverine na “berserker barrage”? Ganun. Paano siya tinignan ng kaklase ko ng masama? Sa totoo lang, tumingin lang naman siya orasan sa harapan… pero nakayuko. Isipin mo ang itsura ng taong nakayuko pero tumitingin at orasan sa harap. E kasi sabi ng teacher namin na ‘yun, yumuko lang kami at huwag maingay. Kawawa naman, tinitingnan lang niya kung malapit na ang uwian.

Sigurado ako, bawat isa sa inyo ay may karanasan sa teacher nyo nung elementary kayo. Kahit na nakita nyo lang ‘yung top 1 nyong kaklase na napingot sa tenga (na malaking isyu na dati) o napagbintangang nagnanakaw ng test paper sa DECS ang mga magulang dahil laging nakakaperfect sa mga quizzes at periodical exams. Pero kahit na alam mong ganyan ang mga teacher mo noon, alam mong mahal na mahal mo sila. Kasama ng makukulay nating alaala ng ating kamusmusan noong elementarya ay ang ating mga guro na nagturo sa atin ng ating mga unang abakada at 1+1.

Minsan, ang sarap lang nilang balikan.

2 Mga Puna

  1. hahahaha@ ako nasubukan ko nang maibilad sa araw sa katanghaliang tapat. hmmmn. minsan lang kasi akong maparusahan dahil maingat ako dahil takot ako. hahahaha!MOST BEHAVED ATA AKO.

  2. ako rin naman e. minsan lang ako mag-ingay, mga 1 out of 50 instances. yung 1 time na ‘yun ang nagpahamak sakin.:s


Magpaskil ng Puna

*
*