Kahapon, naisip kong mag-internet dahil sobrang batong-bato na ako sa bahay namin. Naghanda ako at nagpaalam na pupunta sa labas. Pagkatapos malakad ang ilang daang metro papunta sa highway (ganung kalayo ang “looban” namin), kailangan ko pang sumakay ng jeep para madatnan ang pinakamaayos at pinakamalapit na internet shop sa lugar namin (kita mo na kung gaano kaprimitibo kung saan ako nakatira?). Sa pagsakay ko ng jeep, naisip kong umupo sa harapan, sa tabi ng manong driver, dahil saktong bumaba ang nakasakay.

Payapa naman sana ang biyahe nang biglang nagsalita ang mama sa likuran ko. Magkausap pala ang dalawa kanina pa.

“Oo, kaya ang Antipolo ginagawa na ring Marikina yan e.”

Na sinagot naman ng driver ng ganito:

“Ah, kaya pala ang pu+@#$%^&* buhay dito humihirap na rin e. Pu+@#$%^&* talaga.”
Pinabayaan ko na lang, kahit na parang ako ang minumura nung manong dahil sa tenga ko lang naman siya nagmumura. Hindi ko na pinakinggan ang pinag-uusapan nila, hanggang sa may sumakay sa tabi ko. Maya-maya, humirit na naman ang mama sa likod ko.

“Si BF, sabi nila, ‘yan ang Hitler ng Pilipinas e.”

“Ahhhhhh… (na parang nakadiskubre ng gamot sa kahirapan ng Pilipinas) kayaaaa palaaaaah… ang pu+@#$%^&* BF na yan oh… siya pala ang Hitler ng Pilipinas… pinapahirap niya ang buhay, ang pu+@#$%^&* Bayani Fernandong yan… Siya pala ang reincarnation ni Hitler… saang bansa ba yun… (tingin sa akin) ahhh! sa Germany yun di ba?!”

Mura ng mura si manong, naiirita na ako. Tiningnan ko siya at napansin kong mapula ang mga mata niya. Bigla akong napadasal, anak ng tokwa, lasing ata ang nagmamaneho. Tingin din ng tingin sa kanya ang lalaking katabi ko.

“Para lang sa mayayaman yang Bayani Fernando na ‘yan e. Kaya pala sa Marikina hindi ka tatagal pag mahirap ka. Grabe maitim talaga ang budhi ng BF na ‘yan! Kasing itim ng signboard ko oh. Tingnan mo.”

Pinakita niya sa akin ang signboard niya ng “Marikina-Tropical” sa itim na pintura laban sa puting background.

“Graabe talaga. Maitim pala ang budhi nyan! Siya pala ang Hitler ng Pilipinas! Pu+@#$%^&* talaga!”

Hanggang sa pagbaba ko, naririnig ko pa rin ang mamang driver na nagmumura. Pakiramdam ko, gusto na rin siyang sapakin ng lalaking katabi ko kanina dahil parang allergic ata siya sa ingay e. Parang si Grendel sa Beowulf.

Sa daan, parang nag-eecho pa rin sa tenga ko ang “Siya pala ang Hitler ng Pilipinas”, gawa siguro ng kakasigaw sa tenga ko ng mamang lasing ata. Hitler nga ba si BF? Siya nga ba ang magiging Hitler ng Pilipinas kapag naging pangulo siya ng PIlipinas? Napag-isip din ako, dahil ang alam ko, hindi naman. Marahil may kamay na bakal nga si BF, pero para sa akin magandang bagay ito para sa PIlipinas. Para sa kaayusan ng bansang ito na ang pinakaugat ng problema ay ang mismong mga mamamayan nito– mga mamamayang walang disiplina, walang pagpapahalaga sa karapatan ng iba, walang kaisipan tungkol sa kung ano ang nakabubuti para sa karamihan.

Sigurado, maraming galit na driver (palaging nahuhulihan na walang lisensya, kolorum, malakas ang sounds) at sidewalk vendor (bawal magtinda sa gilid ng kalsada) sa MMDA at kay BF dahil naaabala nila ang kabuhayan nila. Sasabihin nila sa’yo,

“Ano namang masama sa pagtitinda sa sidewalk? Mapuputikan ang kalsada? Dati nang maputik ang kalsada, lalo na pag umuulan. Magbabara ang kalsada? Dati pang trapik sa mga kalsada ng Manila, wala nang iba yun. Saka kabuhayan yun e. Ang kinikita namin ang pinapakain namin sa anak namin. E ano namang masama kung maglakas ng sounds sa loob ng jeep, e hindi naman sila ang naiingayan kundi ang mga nakasakay sa loob? Ano namang masama kung magmaneho ng kolorum? Ano namang masama kung manigarilyo ako at ang mga pasahero? Wala bang kalayaang manigarilyo sa bansang ito? Ako naman ang naninigarilyo at hindi iba e.”

Kitams? May punto sila. Malabo nga lang. Oo, kabuhayan ito para sa nakararami, ngunit maari namang magnegosyo ng sumusunod sa patakaran, hindi ba? Maari naman akong manigarilyo ng hindi na nandadamay ng iba, hindi ba? At maaari naman akong magpatugtog ng mahina lang, hindi ba? Ano bang akala nila sa jeep nila, Embassy?

Minsan, kailangan lang talaga ng kamay na bakal kung simpleng disiplina lang ang kinakailangan.Kung sa ganitong paraan magiging “pc+@#$%^&* Hitler” si BF, ayos lang sa akin.

15 Mga Puna

  1. Sumisigaw yung mamang nasa likod mo sa dyip at lasing pa ang mamang ito. Ang hirap naman makasabay ng mga taong ganito pagnaglalakbay ka. Buti na lang hindi mo katabi mismo yung katabi yung mamang ito, mas nakakatakot ‘yun. Haha

  2. On a side note… Naging magaling na meyor si BF, sa Marikina, walang duda. Napasimulan niyang maging disiplinado ang mga tao sa lungsod.

    Ngunit bakit parang nagagawa niyang magpatupad ng mga mahihigpit ng patakaran ngunit lalabagin din niya? Ang akala ko ba’y sabi niya bawal ang mga ads sa EDSA, dahil nakakagulo ito? Ano ngayon ang ginagawa ng mukha niya sa bawat sulok ng kalsadang ito? Tinatawag niya itong patalastas ng gobyerno bilang “public service” pero kitang-kita naman na larawan lang naman niya ang nakaimprenta sa mga ito at ilang paalala. Hindi kaya ito isang uri ng pamumulitika? Ano kaya ang sinasabi ng mga ito sa kredibilidad niyang mamuno?

  3. Aaaah one of my and Guiller’s favorite topics! Mahaba-habang usapan yan, pero dahil sabi mo na mamamayan ang walang disiplina, sasabihin ko rin na sana ini-implement din nang tama ng gobyerno (at hindi lang si BF yun) ang mga batas. Para matakot ang tao at sumunod talaga.

    tama rin si enzo about the ads.

    at may nakita akong driver ng MMDA na truck na hindi naka-seatbelt, sayang talaga hindi ko siya nakunan ng litrato!!!

  4. kaya walang asenso sa Pinas amp. Kung sino ‘yung mali, sila pa yung galit. Nakakairita na rin ‘yung mga taong nag-eexcuse na porket mahirap sila, dapat intindihin palagi, dapat payagan sila sa mga hindi tamang ginagawa nila. :| Ewan ko ba, pero yan ang pansin ko sa mga Pilipino ngayon. Hindi naman sa pagiging elitista, pero mali naman talaga siguro na gawing dahilan ang kahirapan sa pamemerwisyo nila sa ibang tao.

  5. aktwali, karamihan sa pagdidisiplina nya – sang-ayon ako. naniniwala ako sa konsepto nya ng urbanidad. sobra na ang anarkiya sa Pilipinas. Hindi tamang idahilan na malinis silang naghahanap buhay kung nakakaistorbo sila sa nakararami. Tungkol sa ads – oooppps, hindi naman siya mascot ng kalinisan para maging model kaya hindi ako sang-ayon sa paglalagay ng picture niya. Medyo maagang campaign material yan para sa 2010.

  6. @ enzo: hahaha. oo nga e. actually, mukhang maaga mamolitika ‘tong si BF. o nagmumukha lang ganun dahil sa mga ginagawa nya. pero hindi naman talaga si BF ang punto ko sa sinasabi ko sa taas kundi ang disiplina na wala ang karamihan sa mga Pilipino. hindi rin naman perpekto si BF, tao rin siya.

    @ ate chi: yup, it should work both sides. pero napansin ko kasi, yun nga, the mmda is putting pressure, which means they are doing their job. let’s do our job first. sabi nga nila, if you want to change the world, start with yourself.:P

    @ cel: ANG ELITISTA MO! hahaha. joke lang. hindi naman issue kung mahirap ka o mayaman dito, dapat lahat tayo sumusunod. ang mahihirap, nahihirapan na sa buhay yan kaya normal lang na magreklamo sa mga batas. pero yun nga, tamang pananaw lang sana, makicooperate.

    @ bernardumali: ako rin, sang-ayon sa mga pagdidisiplina nya. natatawa nga ako, parang lahat nga ng mga naiisip ko dating sana ipagbawal (paninigarilyo sa jeep at pagpapatugtog ng malakas) ipinapagbawal na ngayon.

  7. Objective Critique

    Normal lang na behavior ng jeepney drivers ang mag profit maximize. Hindi madali sundin ang isang batas kung sa pagsunod dito mamamatay ka naman at ang pamilya mo sa gutom. :D Hindi lahat ng ginagawa ni Bayani Fernando tama, at hindi lahat ng ginagawa ng mga jeepney drivers tama rin. Yan ang hirap sa Pilipinas ngayon, walang konsiderasyon na ginagawa ang nagtatalong panig. Para sa mga tao, salot ang skwater. Para sa mga skwater, mga demonyo ang dume-demolish ng kanilang bahay. Di ba? Di ba nakapagtatakang HINDI nag-uusap tong dalawang panig na ito ng matino na kung kaya’t wala silang mapagkasunduang solusyon?

    Ang tunay na demokrasiya dapat merong boses ang tao. Hindi anarkiya. Kung gusto mo ng anarkiya, mag-isip isip ka ulet. Ang tunay na prublema sa Pilipinas ay ang pagkalimot sa nakaraan. Dumanak ang maraming dugo sa EDSA I, nakipagpatayan ang mga bayani para sa boses ng masa, tapos gugustuhin mo ng Anarkiya? Mukhang merong prublema sa iyong hinihiling.

    Mapa demokraysa man o anarkiya meron at merong mga taong aabuso nito. Kung kaya’t hindi ang sistema ang tunay na prublema, ang taong estupidong inuulit ang mali ng nakaraan.

    Huli, tunkgol sa poster ni BF, hindi mo siya masisisi. Ang mga pinoy kasi, hindi naman nagbabasa sa pahayan. Ikaw ba hahanapin mo ang profile ng mga ginagawa ng mga pulitika? Malamang kung walang nakalagay na litrato sa kalsada, hindi mo malalaman na proyekto pala ni Mayor “x” ang proyektong iyon.

    Kapatid, kung nag-aral ka ng marketing, ang ginagawa lamang nila ay PROMOTIONS. Ginagawa lamang nila kung anung klase ng promotion ang magiging epektibo. Pero dahil sobrang babaw ng klase ng pulitika meron tayo sa ngayon, pulitikang ayon kasikatan, ginagawa ng mga pulitika ang pag lagay ng letrato nila sa kalsada.

    Kailangan mong tanungin ang iyong sarili. Sinong mananalo? Isang taong tahimik, di linalagay ang pangalan sa kaniyang mga proyekto, pero ginagawa ng mahusay ang kaniyang tungkulin… o isang taong naglalagay ng kaniyang mukha sa pader? Malamang alam mo na ang sagot.

    Yan ang mga tunay na prublema ng Pilipinas. Wag kang manghuhusga kung sino ang mali o tama. Walang isang tao ang may sala dahil kung meron man, matagal na sana tayong problem-free ng mapatalsik si Marcos o si Erap. :P

  8. Whoa. That was a long objective criticism. Thanks, TSI.

    Anyway, para sakin ba ang mga sinasabi mo dito? O rhetorical questions lahat yan? Hehe. Kasi kung addressed sakin yan, I don’t think naintindihan mo ako.:p

  9. Objective Critique

    Normal lang na behavior ng jeepney drivers ang mag profit maximize. Hindi madali sundin ang isang batas kung sa pagsunod dito mamamatay ka naman at ang pamilya mo sa gutom. :D Hindi lahat ng ginagawa ni Bayani Fernando tama, at hindi lahat ng ginagawa ng mga jeepney drivers tama rin. Yan ang hirap sa Pilipinas ngayon, walang konsiderasyon na ginagawa ang nagtatalong panig. Para sa mga tao, salot ang skwater. Para sa mga skwater, mga demonyo ang dume-demolish ng kanilang bahay. Di ba? Di ba nakapagtatakang HINDI nag-uusap tong dalawang panig na ito ng matino na kung kaya’t wala silang mapagkasunduang solusyon?

    === Isa itong pananaw sa nilagay mo:
    “Oo, kabuhayan ito para sa nakararami, ngunit maari namang magnegosyo ng sumusunod sa patakaran, hindi ba?”
    ===================================================================

    Ang tunay na demokrasiya dapat merong boses ang tao. Hindi anarkiya. Kung gusto mo ng anarkiya, mag-isip isip ka ulet. Ang tunay na prublema sa Pilipinas ay ang pagkalimot sa nakaraan. Dumanak ang maraming dugo sa EDSA I, nakipagpatayan ang mga bayani para sa boses ng masa, tapos gugustuhin mo ng Anarkiya? Mukhang merong prublema sa iyong hinihiling.

    Mapa demokraysa man o anarkiya meron at merong mga taong aabuso nito. Kung kaya’t hindi ang sistema ang tunay na prublema, ang taong estupidong inuulit ang mali ng nakaraan.

    === Isa itong pananaw sa nilagay mo:
    “Minsan, kailangan lang talaga ng kamay na bakal kung simpleng disiplina lang ang kinakailangan. Kung sa ganitong paraan magiging “pc+@#$%^&* Hitler” si BF, ayos lang sa akin.”

    Baka di mo nakita ang kuneksyon. Nakikita kong “ayos” lang sayo ang Kamay na bakal. Pero sana tingnan muna natin ulet bakit hindi ginusto ng mga tao ang Bakal na kamay ni Marcos. AT, Bakal na kamay ba talaga ang solusyon? Disiplina ba talaga ang prublema? O baka nabubulag tayo na tayo ang prublema?
    Sa kinatagal tagal ng panahaon, sinisisi natin ang ating sarili na ang mamamayan ang prublema, ang kawalan ng disiplina. PERO dapat mong tanungin ang iyong sarili, BAKIT walang disiplina?
    Baka kulang sa tamang edukasyon, baka ang pera ng tao hindi nagagamit sa wastong paraan, baka walang sapat na trabaho at kabuhayan, hindi ba?
    Kung ilalagay mo ang bakal na kamay, parang sinabi mo na ring. “AKO ANG TAMA, KAYO LAHAT MALI” kahit alam naman nating hindi iyon totoo. Hindi simple ang pagkakaroon ng bakal na kamay.
    Isa kang mamamayang may boto kung ano ang mangyayare sa lipunan, baka kasi maniwala kang bakal na kamay nga talaga ang solusyon. Pero maniwala ka man o sa hindi, HINDI.

    ===================================================================

    Huli, tunkgol sa poster ni BF, hindi mo siya masisisi. Ang mga pinoy kasi, hindi naman nagbabasa sa pahayan. Ikaw ba hahanapin mo ang profile ng mga ginagawa ng mga pulitika? Malamang kung walang nakalagay na litrato sa kalsada, hindi mo malalaman na proyekto pala ni Mayor “x” ang proyektong iyon.

    Kapatid, kung nag-aral ka ng marketing, ang ginagawa lamang nila ay PROMOTIONS. Ginagawa lamang nila kung anung klase ng promotion ang magiging epektibo. Pero dahil sobrang babaw ng klase ng pulitika meron tayo sa ngayon, pulitikang ayon kasikatan, ginagawa ng mga pulitika ang pag lagay ng letrato nila sa kalsada.

    Kailangan mong tanungin ang iyong sarili. Sinong mananalo? Isang taong tahimik, di linalagay ang pangalan sa kaniyang mga proyekto, pero ginagawa ng mahusay ang kaniyang tungkulin… o isang taong naglalagay ng kaniyang mukha sa pader? Malamang alam mo na ang sagot.

    === Isa itong pananaw mga nag comment (Enzo), di ko mapigilang basahin ang comment ng ibang tao:

    “Tinatawag niya itong patalastas ng gobyerno bilang “public service” pero kitang-kita naman na larawan lang naman niya ang nakaimprenta sa mga ito at ilang paalala. Hindi kaya ito isang uri ng pamumulitika? Ano kaya ang sinasabi ng mga ito sa kredibilidad niyang mamuno?”
    =====================================================================

    Yan ang mga tunay na prublema ng Pilipinas. Wag kang manghuhusga kung sino ang mali o tama. Walang isang tao ang may sala dahil kung meron man, matagal na sana tayong problem-free ng mapatalsik si Marcos o si Erap. :P

    === Isa itong konklusyon. Walang isang BF na merong bakal na kamay ang makakapagbigay ng solusyon sa bansa. Kelangan natin lahat magkasundo. Walang isang taong solusyon. Walang isang sistemang solusyon.
    =====================================================================

    May malabo pa ba? :P

  10. Ahahaha. So it is indeed an over analyzation and jumping early on conclusions.

    Masyadong maraming argumento na mahirap nang ipaliwanang pa nang isahan. Maraming kang sinabing maliliit na katotohanang kalat-kalat ang pagkakalahad, at nagbuo ng mga konklusyon tungkol sa mga ibig kong sabihin. Wala akong sinasabing si BF ang solusyon. At wala akong sinasabing ayos sa akin ang kamay na bakal na tulad ng KAMAY NA BAKAL NI MARCOS. Pakibasa na lang ulit.

    Simple lang naman ang sinasabi ko, TSI. Kailangan nating magkaroon ng disiplina.:)

    Pero naiintindihan ko naman ang gusto mong sabihin, wag kang mag-alala.

  11. Unbosom says : I absolutely agree with this !

  12. Mukhang roller coaster ride yang jeep na sinakyan mo ah! haha

    Mahusay na pagkalahad Ginoong Ding! haha oo mehn! proud ako na pinoy ako pero marami ako nakikitang maliliit na bagay na pinapalaki ang problema dahil walang disiplina at kumunikasyon!

    daming sakit ng pilipinas mehn… sana ma ala “Click” ang mga tao. magfast forward sila. makita nila sa hinaharap ang kagandahan ng mapayapa at malinis na Pilipinas. tapos pag gising nila naiintindihan na nila kung ano kailangan gawin para mangyari yung ninanais na kapayapaan. kailangan ng matinding gobyerno at pulis para gawin yun. kapag may matino kasing tao sa pilipinas, lalo na sa gobyerno, papatayin o dadakipin pati pamilya. tingnan mo si BF dami Body Guard para lang kumain sa Shakeys haha ewan… basta paguwi ko manlilibre ako sa leonardos! hahahaha

  13. Hahaha. At kelan yan? :p Si gio daw July e.

  14. BASTA KAMI WALANG PAKI ALAM KALA Q NAMAN MUKHA NA NI HITTLER JEJEJEJE BLOODS PARIN KAMI

  15. Hinalintulad si Marcos kay Erap? Hindi yata tama yan :)

    Kaya hindi ako sumasakay halos katabi ang tsuper :) kahit sa taxi.


Magpaskil ng Puna

*
*