Sa pagkakaalam ko, nasabi ko na ‘to dati. Kung naaalala niyo pa, sabi ko dati, isa sa mga pinakamalaking tanong ko sa mundo, ay kung tama bang bigyan ng limos ang mga taong nanghihingi nito, lalo na ang mga pulubi na nasa lansangan (iba-iba sila– may mga matanda, bata, matandang may kasamang na bata, bulag, pipi, bulag na naggigitara, piping kumakanta, pilay na nagda-drums, mga taong-grasang may plaka sa dibdib at sinasabing sila si nora aunor o si fernando poe, galing sa probinsiya ng samar o surigao, at kung anu-ano pa). Kahit alam ko na huwag, dahil itinuro sa akin ng mga kaibigan at magulang ko, minsan ng mga guro sa Ateneo, (dahil minsan raket lang ito, o mas mainam na pagkain na lang ang ilimos), kapag nakaharap na sa isang pulubi parang napapaisip pa rin ako sa pag-iwas na alam ko nang gagawin ko. Para kasing isang malaking pagka-impokrito ang nararamdaman ko (na parang nararanasan ko rin sa pagtangkilik ko sa mga piratang vcds at dvd. nyahahaha. hi mr. manzano! nakita mo na ba yung “Extreme Papaya” album mo na pirata?) dahil sa paniniwala ko na dapat iligtas ang mga mahihirap sa kahirapan, na dapat bigyan ng kung anuman ang mga may kakulangan.

Kanina lang, pagkalabas ko ng simbahan, may nasalubong agad akong isang lalaki, at nanghingi sa akin ng piso, pambibili niya lang raw ng pagkain. Ganito ‘yung nangyari:

pulubi: Kuya, may piso kayo?
ako: Bakit? (isang malaking katangahan para itanong, naisip ko. hello? wala siguro siyang piso kaya siya nanghihingi.)
pulubi: Pambibili ko lang ng pagkain.
ako: (may nakitang isawan na malapit sa akin.) Bumili ka na lang ng pagkain. (kita mo na? katangahan na naman. wala na ngang pera, inutusan pang bumili ng pagkain. at saan pa? sa isawan?)
pulubi: (tahimik, naghihintay)
ako: (kumapa sa bulsa, walang piso.) Wala e.

Hindi ba mali? Lagi kong sinasabing “tulungan ang mga nagugutom” sa mga papel ko sa Theology, Economics of Development at Developmental Studies pero kapag sa totohanan na, hindi ko naman talaga nagagawa.

Sabihin mo man na raket lang yan ng mga pulubi sa kalye, generalization ang gagawin mo. Hindi naman lahat ng pulubi ay nanraraket lang. Kung alam mo lang kung gaano talaga kahirap ang buhay sa totoong Pilipinas, ang buhay na hindi buhay ng karamihan sa mga Atenista, La Salista, mga nakatira sa Forbes at Corinthians, mga tambay sa MOA at Podium, mga Prada at Luis Buiton lang ang bag, mga pagpapaganda ng makina at 20,000 pesos worth sound system ang hobby, mga banana boat sa Boracay at surfing sa Siargao ang trip, masasabi mong totoo talaga ang mga pulubing ito na wala nang alam gawin para mabuhay kundi ang magpakababa pa lalo ng sarili at lumuhod sa harap mo at ilatag ang palad para lang may makain.

Nakakalungkot, ‘di ba? Kaya nga natataranta talaga ako kapag nahaharap sa palad ng isang pulubi. Hindi ko kasi alam ang dapat na gawin. Sigurado naman ako, kung may mabuti ka talagang puso, na nakokonsensiya ka kapag naawa ka sa isang pulubing uhugin at gusgusin pero inisnab mo lang sa daan? Tapos ikokonsuwelo mo na lang ng, “Hah! Parte lang ng sindikato ang batang ‘yan e…” pero hindi mo naman sigurado kung totoo?

Nga pala, dun sa kuwento kanina, may piso talaga ako. Marami sa bag ko, nagtitira talaga ako para pamasahe. Pero hindi ko siya binigyan. Naghiwalay kaming parang hindi man lang nag-usap at nagtuloy-tuloy na sa kung saan man kami dadalhin ng mga paa namin. At malamang ganyan din ang ginawa mo nitong makalawa lang sa isang kalyeng parati mo na lang dinadaanan pauwi.

Isang Puna

  1. Kapag bagong sweldo ay nanlilimos ako.Ang galing mong sumulat.


Magpaskil ng Puna

*
*