Buwanang Imbakan: Hulyo 2007

Ang Ateneo-La Salle game ay parang laban ni Pacquiao para sa bawat kampo. Tumitigil ang mundo.

Nawawalan ng gana ang mga estudyante pumasok sa klase dahil iniisip kung ano na ang nangyayari at kung sino na ang lamang.
Napupuno ang cafeteria first floor at second floor, at ang MVP 1st floor ng mga Atenistang hindi kinayang manood sa Araneta.
Pinapa-cut ng mga guro ang klase.
Nakikita mo sama-sama sina Fr. Ben Nebres, Fr. Dacanay, Fr. Que, Dick Gordon, Manny V. Pangilinan, Chesca Garcia, Georgina Wilson, mga dating Ateneo players at kung sino-sino pa sa iisang crowd.
Nagmumukhang championship game sa dami ng taong interesado pero sa totoo ay hindi pa naman. Hindi talaga matatawaran ang rivalry na nabuo noong panahon pa ni Mahoma.
Napapa-p*+@#$%^&* ang mga akala mong santo mong kaklase.
Nawawala ang poise ng mga babae sa katitili at kasisigaw.
Nababading ang mga lalaki sa mga kagwapuhan ni Cris Tiu.
Nagiging emosyonal ang bawat sandali, na tipong parang guguho na ang mundo kapag biglang namatay ang TV.
Nagiging emosyonal sa pagkanta ng Alma Mater Song, lalo na kapag natatalo.
Nagkakaisa kahit sandali ang lahat ng Atenista, anumang course o block o year.

Tama sila, sa mga ganitong panahon nadarama (pero hindi naman kapag ganito lang) ang sarap ng pagiging Atenista.

****************

PS. Ang ganda ng Ateneo-La Salle game kanina! 77-80 win! Sa mga ganitong laro napakasarap mag-cheer. Oo na Charmie at sa lahat ng dapat kasama kong manonood, huwag niyo na akong inggitin dahil hindi ako nakasama. Nag-enjoy naman akong manood sa Caf. Parang nasa Araneta na rin ako. Haha. Next Ateneo-La Salle game ulit. Go Ateneo! One Big Fight!

Para tulad nila San Goku at San Gohan, kayang-kaya ko gawin ang lahat ng bagay. Kahit na isa lang ang katawan ko.

Para hindi ko nabibigo ang mga taong umaasa at nangangailangan sa akin.
Para maganda lahat ng kinalalabasan ng ginagawa ko.
Para hindi ako sumasablay.
Hayy.

At para matuloy ko ang mga nais kong sabihin sa sinusulat kong ito. Kaso lang hindi. Kailangan ko na namang magpatuloy sa paggawa ng Pol Sci paper at pag-aaral sa History Long Test. At sa paghahanda sa Aegis Photoshoot ko bukas. At sa paghahanda sa Social immersion ko sa Biyernes, Sabado, at Linggo. At sa paghahabol sa lahat ng requirements na mauusog dahil sa immersion na iyon.

Magic beans, saan kita makukuha?

Lord, kayo na pong bahala.

*******

magic beans

Kung hindi mo kilala si San Goku, eto siya at ang kanyang magic bean.

Noong isang araw, mabilis akong nakasakay ng jeep pauwi galing sa isa na namang nakamamatay na araw sa eskuwelahan. Puno ang jeep, pero buti na lang may espasyo pa kung saan nga ako napaupo. Kahit masikip, malamig at mahangin naman, kaya ok lang. Maganda pa ‘yung music, hindi ‘yung mga nakabibinging kalabog ng “My Humps” at “Family Affair” at “In Da Club” medley ng mga Pinoy rappers (nakita ko ‘yung label ng CD, ang tawag pala nila dun ay “Mga Gagong Rapperz”). Tamang-tamang lang na pangpetiks/relax.

Ok na sana e. Kaso lang, pagharap ko sa likuran ng katabi ko (nakatalikod siya sa akin dahil nakahilig din siya sa bintana), nakakita ako ng ipis sa likod niya. Oo, uulitin ko pa, may ipis sa likod niya. Pu+@#$%^&*! Bukod sa mga panahon na inaral namin ang ipis na nasa loob ng bote, doon lang ako ulit nakakita ng ipis ng ganoong kalapit sa mukha ko. Pucha, na-imagine mo na ba ang sarili mo sa sitwasyon na iyon? Kung nakita mo na ang mukha ko, mai-imagine mo rin siguro kung gaanong nalukot ang mukha ko sa nakita ko sa kaba. Gaah. Gah.

Hindi naman sa takot ako sa ipis o anuman. Hindi ako takot, kasi handa akong sumabak sa digmaan gamit ang mga tsinelas ko kapag nakakita ako ng lumilipad na ipis sa bahay namin. Ayoko lang na madadapuan kasi nandidiri ako. Mas gugustuhin ko pang ladybug o tutubi o salagubang ang dumapo sa akin basta huwag lang ipis. Noong bata kasi ako naisip ko na nakasusugat ang paa nila (kung hindi mo alam, may mga matutulis na bagay sa paa nila), at akala ko may malalaking mata sila (iyong dark spot kumbaga sa itaas na bahagi ng pakpak nila) na nakatingin sa’yo at nagsasabing “Lilipad ako sa’yo… wag kang gagalaw, dadapuan kita! Nyahahahaha!” At isa pa, nanginginig ako pag pinagmamasdan ko ‘yung mga antenae nilang gumagalaw. Nyii.

Ano bang magagawa ko sa sitwasyon na iyon? Sabihin mo nga…

Basahin ang Karugtong »

Hindi na ako maniniwala sa “Friday the Thirteenth” na ‘yan. Nakita ko ang kamalasan ko isang araw bago niyan.

Wala naman talaga akong makukuwento tungkol sa pagkakadukot sa selepono (sa maniwala kayo’t sa hindi, iyan ang itinuro sa amin sa Ateneo High) ko, dahil una sa lahat, hindi ko alam na nangyari iyon. Kung may assault man na nangyari ay manlalaban pa ako. Kaso lang tatanga-tanga ako, wala akong nadama man lang. Nalaman ko na lang ang lahat pagdating ko sa bahay. Kausap ko ang kapatid ko noon, at nag-uusap kami tungkol sa cellphone.

“Kuya, ‘pag nagkaroon ka na ng bagong cellphone, akin na ‘yung sa’yo ha?”

“Oo naman,” sabay kapa sa bag ko ng cellphone ko. Wala akong nasalat. Sa pagsuri sa bag ko, napansin kong may kakaibang sira ito sa may bulsa. Hindi siya iyong sirang dala ng katandaan o madalas na paggamit. Sirang “laslas” ang itsura. Pino ang pagkakabutas nung bag, iyong tipong butas lang na magagawa lang ng isang matalas na bagay. Nag-joke pa ako sa kapatid ko,

“Kaso lang wala ‘yung phone ko e. Haha.”

At nang itaktak ko na pati ang kaluluwa ng kawawang bag ko, doon ko na napagtantong wala na nga akong cellphone. Wala na akong cellphone. Pu. Tra. Gis. Kung mayaman ka, hindi mo maiintindihan kung gaano kasakit sa ulo na mawalan ng cellphone. Hindi ko ito mapapalitan ng ganun-ganun lang.

Nawalan na nga ako ng phone, nawalan na nga ako ng contacts, nawalan pa ako ng bag (hayup siya pati minamahal kong bag sinira niya). What a beautiful day.

Paalala ko lang ulit, kung mag-text man “ako” sa inyo at manghingi ng pera, hala kayo. Hindi ako ‘yan. At lalo na kung i-text ka niyan ng “,hI cAn i B ur txTm8s?, asL plS. Im 23 gAY”. O kung tumawag ng tumawag iyan sa inyo sa kahimbingan ng tulog ninyo ng alas-tres ng umaga at i-text ka ng “Ilang taon ka na?”, hindi ako ‘yan. Ok lang, murahin niyo lang. Binabasbasan ko kayo. Hahaha.

Oo, tatlo na. Tatlong taon na noong pinag-isipan kong maging hi-tech at magbahagi ng aking mga naiisip sa kalawakan ng cyberspace. Tatlong taon na ng pagbabahagi ng kung anu-ano, mula sa mga personal kong nararamdaman, mga karanasan, kuro-kuro tungkol sa bayan nating Pilipinas, sa ibang bansa, sa NBA, sa iba’t ibang mga kagaguhan at kadakilaan sa mundo, sa samu’t saring basura at kayamanan sa internet, at sa kung anumang kailangan ng paglilinaw, at kung minsan, pagpapalabo.

At tulad na ng nakasanayan (tingnan ang aking mga naging entry para sa unang taon at ikalawang taon ng aking pagba-blog), ito ang mga numerong nabuo pagkatapos ng isang taon:

3 years, 6,438 hits (ngunit nagsimula lang ang count na ito noong pumasok ako sa WordPress noong January), 302 entries (hindi pa kasama dito iyong mga unpublished/drafts). At siyempre, ito ang ilan sa mga pinakapaborito kong entries nitong nagdaang isang taon:

1. Ipinakita ko ang aking pagmamahal sa ngayo’y yumao nang Breakfast Sandwich ng Beef Teriyaki. (Kung hindi mo lang alam, wala na kasing Beef Teriyaki, pinasara na).
2. Ang kasabugan ni Michael Fajatin.
3. ‘Yung huling parte ng entry na ito, iyong parte nang may larawan, hindi ko talaga makalimutan (Beware: goatse type image coming up).
4. Noong makasakit ako nang hindi ko sinasadya.
5. Ito ang nagawa ng Marketing sa akin.
6. Ito ang nagawa ng numerong 433 sa akin.
7. Ang entry na hindi nalalaos: My Greatest Christmas Shopping Mishap.
Basahin ang Karugtong »