Wah. Nakasulat na ako ng napakahaba tungkol sa bagay na ito para lang malaman na hindi ko pala siya na-save. Anakkanangtokwa talaga.
Isusulat ko na lang ulit siya, pero malamang mas maikli na. Tungkol kasi iyon sa isang gabing pauwi na ako galing sa Him5, isang internet shop sa building kung nasaan din ang Video City, Wok Dis Way, at Drews sa 3rd floor. Sa likod siya ng Shakeys kung nasa Katipunan ka.
Nasa baba na ako nang makarinig ako ng sigawan galing sa Drews, at biglang sumulpot ang isang lalaki, kumakaripas ng pagbaba sa hagdanan, walang pakialam sa mga kabataang madalas mo nang makikita roong nakalupaypay lang– mga lasing, natutulog, nagsusuka, o kung minsan, natutulog sa sariling suka. Sumisigaw ang mga taong humahabol sa kanya ng “Magnanakaw yan! Magnanakaw!” pero nakakapagtaka, mukha namang nakaporma yung mama.
Ang akala ko dadaan mismo sa akin yung lalaki, kaya naman ganun na lang yung kaba ko. Hindi ko kasi alam kung paano ang gagawin sa ganung sitwasyon. Papatirin ko ba? Bubungguin? Susuntukin? Lalaban ba ako ‘pag may icepick na dala ‘to? Sobrang bilis na ng pag-iisip ko noon. Nakaramdam ako ng magkahalong takot at tapang. Malay mo, maging instant bayani of the day pa ako.
Pero habang iniisip ko iyon, tumakbo yung lalaki papalayo sa akin. Papunta sa loob ng building, sa may bandang Wok Dis Way. Hindi ko alam kung tamang sabihin pero may pagkatanga sa ginawa niya, kasi dead end ‘yun. Pagkatapos ng ilang minuto, balik siya at tumatakbo na papunta sa akin.
Kaso lang, nandun na lahat, nakaharang sa kanya, ang lahat ng mga humahabol sa kanya.